Pagkakamaling hindi na itatama pa

Sabi nila, mas makatutulong raw sa isang indibidwal kung ibabahagi niya ang kanyang mga problema sa isang taong hindi malapit sa kanya. Kung gayon kasi, malabong mahusgahan ka ng pinagsabihan mo. Kaya nga ikaw ang pinili ko, kaya nga ikaw ang una kong sinabihan, kasi akala ko makabubuti sa akin ang magkwento sa’yo. Mali pala ako.

Kahit ang idinidikta ng ating mga memorya ay dati pa kitang gustong maging kaibigan, alam kong hindi ‘yun totoo. Wag mo nang itanong kung bakit... basta na-feel ko lang. Kasi hindi ako, at hindi ikaw, at ni hindi siya ang may gustong bumuo tayo ng samahan. Si Lord ang nagsabing “click“ tayo bilang magkaibigan. Kaya nga pinaglapit Niya ang ating mga silya unang araw pa lang ng klase.

Nakinig kang mabuti sa bawat salita ko. Sa katunayan nga, isa ka sa mga bilang na bilang na mga naging kaklase ko na nakaririnig sa boses ko mula pa noong lumipat ako sa ating eskwelahan. Hinangaan tuloy kita, at di ko na naiwasan pang magtiwala sa’yo. Hindi ka tumigil sa pakikinig, ayan tuloy, hindi ko na rin napigilan ang sarili kong magsalita. Hindi ka nagsawang magpasensya, ayan tuloy, hindi ko na napigilan pang mangulit. Nagkamali ako sa taong pinili kong maging kaibigan kasi mula sa dating tahimik, mahinhin at mabait, ginawa mo akong madaldal, pasaway at salbahe. Pero salamat, kasi naging higit ka pa sa inaasahan ko. Binigyang-katuparan mo ang dalawa sa matagal-tagal ko na ring kahilingan. Kung anu-ano ‘yun, hindi ko na rin matandaan. Basta na lang. At kung sakaling bumalik tayo sa mga sandaling wala pa akong napagsasabihan ng mga problema at kadramahan ko sa buhay, ikaw pa rin ang pipiliin kong unang makausap. Dahil alam kong ikaw lang ang nababagay sa pwestong ‘yun.

Nasa ika-2.8 man akong ranggo sa puso mo, ogei lang. Ang importante naman para sa akin ay ang malamang may nagbabasa at gustong magbasa ng mga lathala ko sa blog, ang malamang may kahit isa man lang na nagtitiyagang manghula ng password para lang matuklasan kung bakit ko itinago sa isang password ang aking lathala, at malamang mahalaga ako — kahit sa isang taong noong kailan ko lang naging kaibigan.

Salamat dahil tinanggap mo ako bilang ako. Salamat dahil itinuring mo akong mapagkakatiwalaang kaibigan. Salamat dahil pinagtiyagaan mo ang pagiging unpredictable ko. Salamat dahil napagpapasensyahan mo ako. Salamat dahil walang sawa kang nakikinig sa pag-awit ko. Salamat dahil pinapalakas mo ang loob ko. Salamat dahil sinusuportahan mo ako. Salamat dahil nanalo ako nang minsang makipagpustahan ako sa’yo, at hindi mo ako tinakasan. Salamat dahil ipinakilala mo sa akin ang ilang bahaging hindi ko alam tungkol sa aking sarili. Salamat dahil nire-reply-an mo ang mga text ko. Salamat dahil nakikipag-usap ka sa akin sa telepono kahit wala naman talaga tayong mapag-usapan. Salamat dahil hanggang ngayon, matiyaga mo pa rin itong binabasa. Salamat dahil natanggap mo ang bagong pagbabaybay ko sa pangalan mo, at mukhang kinatuwaan mo pa. Salamat din sa bago mong pagbabaybay sa pangalan ko. Salamat dahil lagi mo akong napapasaya. At higit sa lahat, salamat at sa wakas, naubusan na rin ako ng naiisip.

Isa ka sa mga pinakamagaganda at pinaka-hindi ko malilimutang alaala sa mataas na paaralan. Mananatiling ikaw pa rin ang numero uno sa puso ko.