Laging ikaw

I remember when nobody cared but you.
— “On The Side Of Me”, Corrinne May

Noong una, halos hindi tayo nagpapansinan. Naaalala ko pa nga nung minsang sinungitan mo ako gayong nakikipagkilala lang naman ako. Pero lumipas ang panahon at nangyari rin namang naging malapit tayo sa isa’t isa.

Isa ka sa mga taong nag-abalang tumitig sa mga katangian kong hindi napapansin ng iba. Isa ka sa mga may pakialam at nakialam sa mga kaganapan sa mundo ko. Salamat dahil hindi mo ako pinabayaan sa kabila ng mga kamaliang nagawa ko na nakasakit sa’yo. Salamat dahil sa kabila ng mga pangit kong pag-uugali, nagawa mo pa rin akong tanggapin nang walang pag-aalinlangan.

Ilang beses din tayong nagkausap nang matagal sa telepono, ilang oras na naging magka-text, ilang pagkakataong sabay na nagpupuyat over the net sa walang kakwenta-kwentang mga bagay. Salamat dahil hindi ka nagsawang gawin ang mga itong kasama ako, nang paulit-ulit.

Maraming mga bagay akong natuklasan sa miminsang pakikisama sa’yo — mga bagay na marahil ay hindi ko pa rin maiintindihan ngayon kung hindi mo nagawang ipabatid sa akin. Hindi lang kita itinuturing na kaklase o malapit na kaibigan, dahil para sa akin, isa ka sa mga gurong nagturo sa akin ng tama at mali, nagpakita sa akin ng kabutihang bukal sa loob, at nagpakilala sa akin sa daan ng kasiyahan.

Sa tuwing nawawalan ako ng pag-asa, ikaw ang nagbabalik ng tiwala sa aking sarili. Sa tuwing nalulumbay ako, hindi ko na kinailangan pang maghanap ng masasandalan, dahil alam kong lagi kang nariyan at handang makinig. Alam na alam mo kung kailan ako nakadarama ng lungkot; alam na alam mo kung ano ang mga bagay na makakapagpasaya sa akin. Sa mga oras naman ng aking labis na pagpupunyagi at tuwa, lihim kang sumisilip at nakiki-party. Isa ka sa mga pinaka-importanteng taong nakilala ko na hindi ko man lang nabigyan ng karampatang atensyon at pagpapahalaga. Ngunit kailanma’y hindi ka nagreklamo, bagkus nanatili ka sa aking tabi.

Salamat dahil iminulat mo ang aking mga mata sa mga katotohanang minsan ko na ring tinakasan at tinakbuhan. Salamat dahil hinayaan mo akong mahanap ang mga bagay na minsan na ring nawala sa akin. Salamat sa mga magagandang alaala.

Sana’y matagpuan mo na ang iyong kasiyahan.