Sana maulit muli

Unang taon ko pa lang sa ating eskwelahan, nakilala na kita. Mga bata pa tayo noon, pero magsisinungaling ako kung sabihin kong hindi kita hinangaan.

Ilang taon tayong naging magkaklase; hindi ko akalaing magiging magkaibigan tayo. Malayo kasi ang pag-uugali natin sa isa’t isa sa kabila ng pagkakapareho ng ating mga zodiac sign. Hindi ko naisip na magiging malapit tayo sa isa’t isa, lalo pa’t wala namang kakaiba sa kung paano nagsimula ang ating pinagsamahan. Kung tutuusin, naging malapit lang naman tayong dalawa dahil sa pag-ibig. Hahaha.

Mula noon, halos gabi-gabi na tayong nagbababad sa telepono upang mag-usap tungkol sa kung anu-anong bagay. Masarap isiping isa ako sa mga hinihingan mo ng payo, na isa ako kung hindi man una sa mga pinagsasabihan mo ng mga sikreto, at chismis kwento, na sa akin mo sinasabi ang iilang mga bagay na ayaw mong sabihin sa iba. Masayang alalahaning malaki ang binigay mong tiwala sa akin.

Ngunit tulad ng sa iba pang mga pagkakaibigan, dumating rin tayo sa punto kung saan lumayo tayo sa isa’t isa. Hindi ko na maalala ang eksaktong araw at dahilan, pero kung ako ang tatanungin mo, isang bagay lang ang isasagot ko — pag-ibig. Hahaha.

Mula noon, halos hindi na tayo nagkakausap. Halos hindi na nga natin kilala ang isa’t isa. Nakaka-miss tuloy ang mga araw na sobrang naging malapit tayo. Pero wala naman akong magagawa kasi kung ipagpilitan pa nating maging malapit muli, baka lalo lang tayong paglayuin ng pagkakataon.

Ilang buwan na rin ang nagdaan, ngunit hanggang ngayon, hindi ko masabing nagbalik na nang lubos ang ating pagkakaibigan. Hindi pa rin tayo nag-uusap nang matagal sa telepono, at hindi na nagkakapalitang-kuro. Marami na kasing mga nangyari at nagbago.

Alam kong medyo malabong mangyaring mabasa mo pa ito, medyo imposible na ring magkita pa tayong muli. Gayumpaman, salamat, dahil tinanggap mo kung sino ang tunay na ako. Salamat sa tiwala, sa magagandang alaala, sa mga payo, sa saya at tuwang ibinigay mo sa akin. Salamat sa lahat ng kwento, chismis, at intrigang ipinagkaloob mo sa akin. Salamat sa pagkakaibigan.

Paulit-ulit mo man akong inasar, tinukso, kinutya, at sinaktan (physically), asahan mong hinding-hindi kita makakalimutan. May pangako ka pang binitawan sa akin, at hahanapin kita kung kinakailangan para lang maningil.

Sa daang tatahakin mo, isa lang ang hiling ko: ang iyong tagumpay. Sana maabot mo ang matagal mo nang pinapangarap. Alam kong kaya mo ‘yan.