Hindi na iyakin

Bihirang-bihira lang kami kumain nang sabay-sabay sa hapagkainan. Madalas, nauuna si ate, susunod si Papa. Ako naman, kakain lang kapag natapos na ang pinapanood kong programa sa telebisyon, at ang nakababata kong kapatid, pagkatapos gumamit ng computer. Bihirang-bihira lang din kaming mag-usap ng aking ama dahil... basta lang, malayo kami sa isa’t isa.

Pero kanina lang, maaga kong tinapos ang panonood ng telebisyon — ang korni na kasi ng mga balita, puro Pacquiao-Hatton — na nangangahulugang nagkasabay kami sa pagkain ni ama. Kahit papaano, nakapag-usap naman kami tungkol sa nalalapit ko nang pagpasok sa kolehiyo. Kaya ko na raw bang pumunta sa Maynila nang nag-iisa at umuwi nang walang kasama? Wala lang, mga ganung bagay.

Nabanggit ko sa kanyang may nakita akong papel sa bulletin ng pamantasan nung minsang nagpunta ako. Tungkol sa foreign languages class, parang ganun. Sinabi kong gusto ko sanang mag-enroll sa klaseng ‘yun para makapag-aral ng French o di kaya’y Español. Ang sagot niya: HINDI. Wala rin naman daw saysay kung mag-aral ako ng ibang wika dahil hindi ko rin naman mapapakinabangan. Hindi na bago sa akin ‘yun kasi ni minsan, hindi ko naman talaga naramdamang sinuportahan niya ako sa mga bagay na gusto kong gawin. Pero ang masakit para sa akin, ang sabihin niyang mag-aral na lang daw ako ng Hebrew para kapag natapos na ako sa kolehiyo, ipapadala ako sa Israel bilang kapalit ni Mama.

Sa mga salitang ‘yun, sumabog ako. Una, hindi ko pinangarap na magtrabaho sa ibang bansa, unless, business trip ang ipinunta ko roon. Pangalawa, ni minsan, hindi ko ginustong maging nars o doktor o caregiver o anumang may kaugnayan sa medisina’t kalusugan. Ikatlo, at ang pinakahuli sa lahat, buhay ko ‘to.

Nakakaasar at nakakalungkot isiping hanggang ngayon, pilit pa rin nilang idinidikta sa akin ang mga bagay na gagawin ko sa aking buhay. Nakakainis dahil hanggang ngayon, hindi pa rin nila matanggap kung ano ang gusto kong gawin. Nakakadismaya. All along, akala ko tanggap na nilang mass communication ang kukunin kong kurso, na ang landas na tatahakin at ang karerang pinili ko ay umiikot sa media, hindi pala.

Sana dumating ang araw na maintindihan din nila ako. Sana, dumating ang araw na mabatid nilang nasasaktan ako sa ginagawa nila — sobra.

Akala ko, hindi ko na iiyakan pang muli ang mga ganitong bagay.