Ewan

Hindi ko na kasi talaga alam kung ano ang tama, ano ang mali, ano ang dapat, ano ang mas mainam. Ang alam ko na lang, masama ang loob ko. Naipon na. Ni hindi ko na matandaan kung kanino, o kung bakit, o kung kailan pa, o kung paano nagsimula. Basta lang. Naipon.

Napakaraming dapat gawin. Napakaraming dapat tapusin. Iba pa yaong mga bagay na gusto kong gawin para sa aking sarili. At yaong ibang gusto kong gawin para sa iba. Iba pa yaong mga bagay na kailangang gawin kahit hindi ko naman responsibilidad. Mga gawaing iniatang na lamang ng mga tamad at laging umaasa. Ipinapasang mga gawain. At naipon na ngang lahat. Hanggang sa nawalan na ako ng oras. Oras na sana’y pansarili. Oras na akin sana. Oras para magpahinga. Oras para aliwin ang sarili. Oras para magsaya.

At naipon na ngang lahat. At hindi ko na alam kung saan nagsimula. Ang tanging alam ko na lang, masama ang aking loob. Masama ang aking loob.