Multo?

Galing kami sa recollection. Hinatid ako ng isang kaklase papunta sa aking dormitoryo. Pero naisip kong dumaan muna sa prayer room kaya bumalik ako sa aking pinanggalingan.

Papunta sa dormitoryo, nagkita kami ng kaklase ko. Sa itsura niya, animo’y nakakita siya ng multo. “‘Di ba, ‘di ba hinatid na kita?”

Pabiro, aking winika, “May gift kasi ako ng bilocation.”

Natangay niya ako papunta sa CR. Kaming dalawa lamang noon, nagtatawanan at nag-aapiran, biglang bumuhos ang tubig sa isa sa apat na mga faucet. Tumakbo kami palabas.

‘Di nagtagal, binalikan namin ang CR. Sayang daw kasi ang tubig; baka puno na iyong tabo na sumasalo nito. Mula isa, sa aming pagbalik, dalawang faucet na ang bukas. Sinara namin iyong una: matigas, mahirap itong pihitin. Noong isara na namin iyong pangalawa, bumukas namang muli iyong una naming sinara. Tumakbo kami palabas.

Matagal nang usap-usapan sa aking eskwela ang mga kwento ng katatakutan. Hindi ako naniniwala dito, ngunit hindi rin naman ako hindi naniniwala. Kung totoo man o hindi na mayroong mga gumagalang kaluluwa sa aming paaralan, wala na akong pakialam.

Sa ngayon, ang iniisip ko na lamang ay kung multo nga ba iyong nagbukas ng faucet(s). Yikes!