Ceasefire: Dreamer meets reality

Itigil muna ang pagpapantasya. Ihinto muna ang pananaginip nang gising. Iwan muna ang mundo ng imahinasyon.

SPC Sister: What’s your highest grade in high school?
CM: Uh, 95?
SPC Sister: What’s your lowest?
CM: Uh... 80... 87?
SPC Sister: Stay in St. Paul, ha?

...

Friend: Che, bakit hindi ka mag-apply ng scholarship? Kaya mo naman, e. Ang tataas kaya ng grades mo.

...

Naging masaya ako nitong nakalipas na araw. Paano ba naman kasi, pinahintulutan na akong mag-dorm. Halos abot-tainga ang ngiti ko. Pakiramdam ko’y magiging maswerte ang linggong ito. Unang-una, mayroon na naman akong mga tsokolate. Ikalawa, sa Sabado na ang pagtatagpo namin nina Kara David, Jay Taruc, Sandra Aguinaldo, at Howie Severino ng I-witness. Ikatlo, makakasali na ako sa Pagsulat Ng Sanaysay (sa paniniwalang hindi na ako nakasama sa finals ng Spelling Bee). At ang huli, ito, makakapag-dorm na ako sa second semester.

Kung hindi ako nagkakamali, buwan pa lamang ng Hunyo ay nagtanong na ako kung magkano ang bayarin sakaling manahan ako sa dormitoryo ng pamantasan. P20,000 daw. Sa buong semester. Mura na, kung tutuusin. Kasama na sa bayad ang pagkain — agahan at hapunan. Hindi na kailangan pang magbayad ng kuryente at tubig. May study hall, may computers na pwedeng gamitin. Sulit na. Kaya hindi nakapagtatakang napapayag ko rin sa wakas ang itay ko.

Nagpa-reserve na ako kanina. Nakausap ko na ang tagapamahala ng dormitoryo. Nakakuha na ako ng sariling kopya ng Resident’s Handbook. Nakapagbayad na ako. At nalaman ko na lamang na P20,000 nga ang bayad. Dalawang P20,000.

Halos katumbas na nito ang isang buong semester ko. Nariyan pang kailangan din ng pang-matrikula ng bunso kong kapatid. Nariyan ding hindi kasama sa sagutin ng educational plan ko ang miscellaneous fee na pagkamahal-mahal. Nariyan pang sagutin namin ang mag-iisang taong gulang kong pamangkin. Nariyan pang pumapasok na ang tubig sa dulo ng sapatos ko sa tuwing sumusuong sa baha sa Pedro Gil. Nariyan ding gusto kong bumili ng damit na may 3/4 na sleeves, kung ano man ang tawag doon. Nariyan ding magpapabili sana ako ng bagong bag na gagamitin sa araw-araw kong pagpasok sa klase. Hindi pa kasama riyan ang mga gastusin namin sa bahay. Akala ko, makakatipid kami. Iyon din ang akala ng itay ko. Mali pala ako. Mali pala kami.

Napasubo kami. Bakit nga naman kasi hindi nila nilinaw na dalawang P20,000 ang bayarin? E di sana, dun ako sa kapitbahay na dormitoryo nagtanong.

Hindi kami mayaman. Sapat lamang ang kinikita ng mga magulang ko para sa mga gastusin namin. Sa darating na semester, siguradong naka-tight money policy kami dahil sa pagdo-dorm ko.

Gusto ko pa naman ng lappie tappie. Gusto ko pa naman sanang lumipat ng unibersidad. Pero di bale na lang... Paalam na muna, lappie tappie; kailangan muna kitang burahin sa aking isipan. Paalam na muna, pangarap kong makapag-aral sa *toot*. Sa next life ko na lang kita tutuparin.

Hindi naman kasi kami mayaman. Hindi namin kaya ang dalawang P20,000 na pang-dormitoryo ko.